BILANG ISANG BATA, Ano at Sino Ka?
- Bernard Gregorio
- Dec 10, 2024
- 3 min read
Lito Mendoza Velasco
Unang Kwento
Minsan sa isang Simbahang Katoliko, homiliya ng pari: “Maliban lamang na gayahin natin ang puso ng isang paslit o bata, hindi tayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.”
Iyan palagi ang nilalaman ng kanyang homiliya o sermon tuwing siya ay nagmi-Misa. Hindi nakatiis ang isang parokyano, nilapitan niya ang pari at itinanong: “Padre, wala ka na po bang ibang alam na homiliya? Ang alam po namin ay napakarami ninyong natutunan sa loob ng seminaryo para ibahagi sa amin?” Pero, bakit IISA lamang ang palagi mong ipinapangaral?
“Tunay ngang napakarami naming natutunan sa seminaryo. Subali’t kung ito na nga lang nag-iisa kong sermon ay hindi n’yo pa maisabuhay, ano ang dahilan para ibuhos ko sa inyong lahat ang aking natutunan?” Mahinahong tugon ng pari.
Ano nga ba ang laman at katanginan ng puso ng isang bata? Hindi ba’t madaling magalit o magtampo ang bata; pero madali din namang mapawi o mawala – hindi siya nagtatanim ng galit; eh ikaw? Hindi ba’t iyakin ang bata; ngunit saglit lamang ay tatawa na rin kaagad, eh ikaw? Hindi ba’t mahirap utusan ang bata; subalit lambingin mo lamang ay kaagad din namang sumusunod sa pakiusap at tumatalima, eh ikaw? Hindi ba’t walang pakialam ang bata; ngunit ikaw pa rin ang lalapitan kapag may hindi kayang gawin o lutasin; eh ikaw? Nagpakumbaba ka ba upang humingi ng saklolo at tangapin na mahina ka?
Pangalawang kwento
Sa isang pampasaherong tren, napansin ng mga pasahero ang isang batang lalaki na walang tigil sa katatakbo at palipat-lipat sa mga kotse ng nasabing tren. Hindi nakatiis ang mga pasahero at kanilang sinaway ang bata. “Totoy, pwede bang itigil mo ang katatakbo mo at baka maaksidente ka sa ginagawa mo?” Halos magkakasabay na sinabi ng mga nakapuna sa kanya.
“Huwag po kayong mag-alala, hindi ako madidisgrasya dito, dahil tatay ko ang makinista o operator ng train na ito!” Takbo na ulit ang bata.
Ano nga ba ang laman at katangian ng puso ng batang ito? Nagtiwala ka ba sa tatay mo o sa mga otoridad sa komunidad na kinabibilangan mo?
Pangatlong kwento
May malikot na bata, Resty ang pangalan. Napakalikot ng batang ito. Walang pinapakinggan at hindi kaya ng isang matalas na tingin o pangaral. Kahit nga gamitin mo pa ang Pangalan ng Diyos sa pagsaway sa kanya ay bale-wala rin. Minsan, pinagsabihan at pinangaralan siya ng isang nakatatanda: “Resty, hindi ka yata natatakot sa Diyos?”
“Si tatang naman, kung demonyo nga natatakot sa Diyos, ako pa kaya ang hindi!”
Ano nga ba ang laman at katangian ng puso ni Resty? (Isa na siyang inhenyero ngayon). Di ka ba dumaan sa pagiging malikot noong ikaw ay bata? Di mo ba napapansin na ang mga bata na tahimik lamang at isip matanda noong sila ay mga musmos pa lamang, ay sila naman ang ngayon ay mga pasaway? Ang kadahilanan, hindi nila dinaanan ang tamang daan sa pagsibol at pag-unlad (Human Growth and Development) ng pagkatao at kaisipan.
Ako, ikaw, kayo, ano nga ba ang laman at katangian ng ating mga puso?
Matapat o honest ba?
Nagpapasakop o submissive ba?
Mapagmahal o loving ba?
Mapagpatawad o di nagtatanim ng galit o forgiving ba?
Nagtitiwala o trusting ba?
Mapagpakumbaba o humble ba?
Hindi nagrereklamo kahit saan mo isilang. Ang isang malinaw na patotoo ay ang Sanggol na si Hesus, na isinilang sa sabsaban; ngunit iyon pala ang mag-aahon sa atin sa kasalanan at magdadala sa kaligtasan (Salvation or Redemption). Eh, ikaw?
(Para sa mga mungkahi at puna, maaari ninyo akong tawagan sa aking telepono: 780-655-5126)
Comments